Tag Archives: probinsya

Ang Aking Dalawang Magkaibang Mundo.

Minsan ko nang naranasan ang dalawang magkaibang mundo na ito. Ang una ay ang mundo na kinabibilangan ko ngayon habang ang pangalawa naman ay ang mundo na tila inabandona ko na sa matagal na panahon. Malaki ang pinagkaiba nila na masasabi kong mahirap pumili sa kanilang dalawa. Maaring nasanay lang ako sa kinalalagyan ko ngayon kaya hindi ko lubos maisip kung kakayanin ko bang mabuhay doon. Hindi habang panahon ay nakatayo pa din ako sa mundo ko, maaring sa mga magdadaang taon, kasabay ng pag-ihip ng hangin ay tangayin akong muli sa kabilang mundo at magsimula sa panibagong ikot nito. Pero naisip ko lang, paano at ano-ano ang mga bagay na maaaring mangyari kapag lumagi na ako doon? Makakaya ko ba? Madali lang ba? Mauunawaan ko ba? 


Ang ikot ng Mundo ko sa Lungsod.

         Quezon City. Sa Fabella Hospital ako pinanganak. Sa Santisimo Rosario Parish Church sa UST naman ako bininyagan. Paltok Elementary School at San Francisco High School ang aking naging mga paaralan. Sa lungsod na ito ako nag-kaisip at natuto ng maraming bagay. Advance ang teknolohiya dito. Kung gusto mong mamili ng mga damit o di kaya’y mamasyal, andyan ang mga mall. Kung gusto mong mamasyal na may kasamang mga rides,andyan ang iba’t-ibang amusement parks. Marami akong mga kinasanayang bagay. Sa bahay pa lang sanay akong nagsasaing gamit ang rice cooker. Sa pagluluto andyan ang gas at stove. Depende din sa mga lulutuin mo kung anong klase ng mga kaldero at sandok ang gagamitin mo. Nandyan ang refrigerator,microwave,oven toaster,washing machine. Mga bagay na magpapadali sa mga gawain natin sa araw-araw. Andyan ang t.v,stereo,computer,laptop,psp at kung anu-ano pa kung gusto mo maglibang sa bahay. Kung trip mong mamasyal sakay ka ng taxi,jeep,tricycle,bus,Lrt o kaya ay Mrt para mabilis. Kapag nagugutom ako,magluluto ako kung ano mang ulam ang nasa ref. O di kaya ay magbubukas ng delata. Lahat yan nakasanayan ko na sa loob ng labing walong taon ko dito sa lungsod. Tulad ngayon,nakakapag blog ako kapag wala akong magawa. Mahirap alisin ang mga bagay na nakasanayan mo na. Sabay sa uso ang mga tao dito sa lungsod. Usong damit,sapatos,music,gadgets ang kung anu-ano pang nauuso. Englishan there,englishan here and everywhere. Kpop here,kpop there,kpop everywhere. Naisip ko lang paano kaya kung magbago ang mundo ko at hindi ko na magagawa at magagamit ang mga ito. Masasanay din kaya ako?

Ang Magiging Mundo ko sa Probinsya.

           Dipolog,Zamboanga Del Norte. Dito ang probinsya ni mama. Dati kapag nakakapanood ako ng mga movies na ang lokasyon ay sa probinsya,namamangha ako kasi maganda ang bahay kahit yari lang sa kawayan,kogon o dikaya ay bato. Basta sobrang ganda ng paligid. Noong nagbakasyon kami dito,nagtagal din kami ng halos dalawang linggo. Sakay ng barko,pilit kong iniisip ang itsura ng aming probinsya,dahil sa unang punta ko,kung kaya’t sobrang kinakabahan ako. Pagkadating namin sa pantalan sumakay kami ng fx. Mga dalawang oras din ang byahe. Tapos nakarating na kami sa terminal. Akala ko malapit na kami. Kailangan pa palang sumakay ng motor. Oo tama,motor nga. Isang oras ang byahe noon dahil paakyat kami ng bundok. Habang ang mga bagahe namin ay nakasakay sa tricycle. Paano kami nagkasya sa motor? Malamang tatlong motor ang gamit dahil anim kami. Yun nga. Dahil sa gumagabi na nahirapan na din akong makita ang paligid na dinadaanan namin. Maputik at mabato. Hindi siya sementado tulad ng nakasanyan ko. Sa sobrang pagod nakatulog na ako agad. Para sa maikling pagsasalaysay, sa taas ng bundok ang aming bahay. Paano ang naging sitwasyon ko doon? Dahil sa sanay na si mama doon. Nahirapan ako pati ang mga kasama namin. Gusto mong maligo? Kailangan mong maglakad ng 15 minutes papunta sa isang bukal at doon ang kuhaan ng tubig. Walang CR kaya doon kana din maliligo. Pati paglalaba doon na din. Kaya bagong paligo ka na nga pagdating mo ng bahay pawisan ka na agad. Tambaka ng labahan mo,kailangan mong bitbitin papunta doon,nakakapagod kasi pataas ang daanan. In short pataas ka ng bundok. Nagugutom ka? Bawal ang choosy. Nanghuhuli sila ng isda sa umaga para yun na ang ulam hanggang hapunan.   May tanim naman na mga gulay sa bakuran at may sariling lupang sakahan ng bigas kaya walang problema sa pagkain. What you see is what you get. Kung anong nakahain yun lang ang kainin. Trip mo mag meryenda? Apat na choices lang yan. Mais,saging na saba,kamote at kamoteng kahoy. Naboboring ka? Andyan ang radyo. Yun lang ang meron. Don’t worry may electric fan naman. Ang mahirap lang kung walang kuryente. Dahil sa mahirap ang buhay doon kung kaya’t kadalasan wala talagang kuryente. Gasera lang at pamaypay. Naghahanap ka ng kachikahan? Wag ka nang umasa. Wala kaming kapit bahay. Kung iisipin parang nasa liblib na lugar ang aming bahay. Kung may kapit bahay man,bababa kapa ng konti sa bundok. Nasa liblib din sila kaya kung di ka sanay doon maliligaw ka. Nappalibutan ang bahay namin ng puno ng niyog at saging. May alaga kaming tatlong baboy,apat na kalabaw at isang baka. Minsan binebenta nila ang mga biik para pandagdag sa budget. Dahil sa mahilig akong magluto sanay ako na may kagamitan. Iisang kaldero lang ang meron. Kung kaya’t kung dalawang putahe lulutuin mo,pagtapos mong magluto sa una,hugasan mo ulit para sa pangalawa. Naghahanap ka ng pampalasa ng putahe mo? Asin lang katapat niyan. Yun lang ang meron. Makakakain ka lang ng karne doon pag may okasyon. Trip mong mag cellphone? Wag na! Mahirap ang signal doon. Try and tested ko na doon. Lowbatt ka? Malas mo. Walang ngang kuryente diba? Sa radyo? De baterya naman yun. Gusto mong mamasyal sa bayan? Okay lang naman. Kaya lang siguraduhin mong may motor na magbababa sayo kasi kung lalakarin mo yun aba isang oras din yun. Kung kabisado mo ang daan. Hindi naman kasi yun tuwid na daan nuh! Kumbaga nag mountain hiking ka at ngayon ay pababa ka na. Swerte naman at may motor kami. Maaring maligaw ka kasi eh. Gusto mong mag-aral? Nasa bayan lang din yan kaya lalakarin mo talaga yun sa araw-araw. Gusto mong bumili ng kendi,wala po kaming tindahan na katabi at malapit. Marami pa yan,mahirap lang ipaliwanag.

Oo,maganda sa probinsya. Ngunit para sa akin mahirap. Bakit? Kasi hindi ako sanay. Kasi napakalayo nito kumpara sa nakasanyan kong buhay sa lungsod. Hindi sanay magluto na may mga panggatong,maligo sa tabi ng bukal. Maglalakad ng napakalayo para lang makapaglaba. Magluto na asin lang ang panimpla. Kung may pera ka may kuryente ka. Ang hirap ng signal sa cellphone. Walang tindahan na mapaglolodan. Walang computer,may laptop man wala ngang kuryente. Walang tv. Puro isda,gulay. Maaring maarte na ang maituturing nyo sa akin. Pero anong magagawa ko? Iba ang nakasanayan ko? Oo,siguro nga makakaya kong mabuhay sa probinsya tulad ng aking ina. Pero it takes so many times bago ako masanay dito. Pero kung kinakailangang balikan ko ang mundong inabandona ko,sasanayin ko ang sarili ko. Mamahalin ko kung ano ang meron doon tulad ng sa lungsod. Nakaya ng pamilya ni mama na mamuhay doon pwes makakaya ko din. Pero kung papipiliin man ako mas gusto ko sa lungsod. Maraming beses pa akong babalik doon upang bisitahin ang mga taong nagsasabing marami akong matututunang bago sa lugar na iyon. Na pwede ko pang matutuhang i-appreciate ang mga bagay na naroroon. 

Advertisements